Bakit lubhang mahalaga ang MISA sa bawat Kawan

Photo Courtesy of Adelaida Alfonso
ni Fr. Lito Jopson, Kura Paroko

“The Church makes the Eucharist and the Eucharist makes the Church.” 

Mahalagang turo ng Simbahan na si Kristo ang nagtitipon ng Kanyang Simbahan.   Hinuhubog din Niya ang bawat miyembro ayon sa Kanyang wangis.  Gayundin, ang pagtitipon ng Simbahan ang nagiging sanhi ng pagkakabuo ng Katawan ni Kristo at nagiging sanhi ng Kanyang presensya dito sa lupa.

Samakatuwid, napakahalaga ang pagkakaroon ng isang misa hindi lamang sa sentrong Simbahan kundi sa mga mumunting Sambayanang Kristiyano, sa mga kawan.

Ang maayos na pagdiwang ng misa ay nakakapanumbalik sa ating kapwang nawalay sa pananampalataya.  Sa pamamagitan nito, nararanasan nila na sila’y kabahagi pa rin ng Simbahan. Kaya mahalaga ang makapagdiwang tayo ng misa sa pinakamaayos na pamamaraan.  Hindi maaaring padahas-dahas ang pagkakaroon ng misa.  Narito ang mga praktikal na paghahanda sa pagdiriwang ng banal na misa:

Una, siguraduhing handa ang buong gayak ng misa: maayos na mass linens, altar cloth, krusipiho, at mga kandila.  Ang mga imahen ng Mahal na Birhen at ibang mga santo ay ilagay sa hiwalay na lamesa at huwag ihahanay sa altar.

Ikalawa, ihanda rin ang mga tao.  Siguraduhing handa silang magsimba.  Sa mga magulang, huwag hayaang ang mga bata lamang ang nagsisimba; mas mahalaga ang kanilang presensya dahil sila ang modelo ng kanilang mga anak.

Mahalaga na kumpleto sa bawat kawan ang mga liturgical ministers tulad ng tagabasa, altar servers, Eucharistic ministers o EMHC, MBG, ushers, at koro.  Ang tinatalagang iskedyul ng mga Leadership Orientations at Liturgical Seminars ay nakalaan para sa mga lalahok sa misang pangkawan.

Photo courtesy of Adelaida Alfonso
Ikatlo, magdasal ng rosaryo at magbigay ng katesismo habang inaantay ang paring magmimisa.  Ito ang  pinakamainam na pagkakataon upang makapagpaliwanag ang mga lingkod ng Simbahan ukol sa mga ministeryo at gawain ng Simbahan tulad ng Pagsamba, Paghubog, Kabataan, Mag-asawa’t pamilya, Panlipunang paglilingkod, Media, Ecolohiya, Bokasyon, at marami pang iba.

Magpaglikhang pamamaraan

Dalawang mapaglikhang pamamaaran ang mungkahing gawin sa misang pangkawan: una, maghanda ng lalagyan ng alay sa harap ng altar kung saan ang mga taong may Kaloob ay masayang mag-aalay; ibig sabihin, dala-dala nila ang kanilang buong sarili sa pag-aalay; ikalawa: bago ang huling pagbabasbas ay may pagbabahagi mula sa mga miyembro ng kawan kung anong Kaloob ang natanggap nila o ng buong komunidad sa Panginoon mula nang tumugon silang maglingkod sa kawan. 


Sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok sa misa, ang pananampalataya ng bawat isa’y  nabubuhay, ang gawaing pangkawan ay natatamo, at ang Diyos ay lalong pinupuri.

Comments

Popular Posts